Pagrerelaks sa Dagat
Pamamahala sa stress gamit ang relaxation techniques
Pinag-uusapan natin ang pakiramdam na dulot ng stress kapag nangingibababaw ang mga pressure at iba pang mga pagsubok sa buhay natin. Lahat tayo ay nakakaranas ng ganitong pakiramdam. Bukod sa pagiging normal nito, mahalaga rin ang stress para sa kaligtasan ng buhay natin. Bagamat may pakinabang ang stress, maaaring hindi kasiya-siya o hindi komportable ang mga epekto nito sa atin. Kung nararanasan mo ang stress nang paulit-ulit at sa loob ng mahabang panahon, maaari itong magdulot ng pangmatagalang epekto sa ating pisikal na kalusugan at kapakanan.
Dahil dito, mahalagang kilalanin ang stress at gumawa ng mga hakbang upang pamahalaan ito.
Pinagsasama ng aming audio relaxation exercise, na maaari mong pakinggan sa ibaba, ang dalawang pamamaraan na maaaring makatulong:
Ang Relaxation at Kontroladong Paghinga (Controlled Breathing) ay mga paraan upang marelaks ang iyong katawan. Nakakatulong ang mga ito sa pagkalma sa iyong katawan at isipan, at sa pagbaliktad ng mga pagbabago na nangyayari sa ating mga katawan sa panahon ng stress.
Ang Progressive Muscular Relaxation ay ang pinakamadaling paraan para matutunan kung paano ipahinga ang iyong katawan. Layunin ng ehersisyo na ituro kung paano ba malalaman ang pagkakaiba sa pagitan ng iyong mga muscles kapag sila ay puno ng tensyon, at kung sila ay nakarelaks.
Hindi posibleng maranasan nang magkasabay ang pagiging stressed at relaxed. Ang pagsasanay sa mga relaxation technique ay nakakatulong upang mas maging matatag tayo laban sa stress, at para mas maging madali para sa ating gamitin ang mga technique kapag kailangan natin ang mga ito.
Controlled Breathing Technique: Ang lahat ng mga pisikal na epekto ng stress ay nagsisimula sa paghinga. Kapag kinokontrol natin ang ating paghinga (ibig sabihin, humihinga tayo nang malalim at dahan-dahan mula sa ating mga baga), bumabagal ang tibok ng ating puso at bumabalik ang ating katawan sa estado ng pahinga.
Maaari mong gamitin ang kontroladong paghinga sa anumang oras kapag napansin mong tila mababaw o mabilis ang iyong paghinga, na kadalasang nangyayari kapag tayo ay nakakaramdam ng stress, pagkabalisa, takot o galit. Ang kontroladong paghinga ay maaaring makatulong sa iyo upang magkaroon ng ilang sandali bago ka mag-react. Mahusay din itong gamitin nang mabilisan kung papasok ka sa isang mahirap na sitwasyon.
Pinagsasama ng aming bagong audio relaxation exercise ang muscle relaxation at controlled breathing technique. Ang magkasabay na paggamit ng mga ito ay tumutulong sa iyong isipan na iugnay ang relaxation sa kontroladong paghinga. Ibig sabihin, kung kailangan mong magrelaks nang madali at sa loob nang maikling panahon, maaari kang huminga nang mabagal at malalim, mula sa iyong mga baga, habang pinapaalalahanan ang iyong sarili na magrelaks at alisin ang tensyon mula sa iyong mga kalamnan. Tulad ng anumang bagong kasanayan, kailangang maglaan ng oras upang matutong magrelaks.
Magsanay araw-araw nang hindi bababa sa isang beses sa isang araw, sa loob ng 10 araw hanggang 2 linggo, upang makuha ang kabuuang benepisyo ng pamamaraang ito. Ang pagsasanay na ito ay tumatagal ng 15 minuto.
Mindful breathing: Sa mindful breathing, binibigyang-pansin natin ang ating hininga nang hindi sinusubukang baguhin ito. Sa controlled breathing, sinasadya nating baguhin ang paghinga.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mindful breathing, sumangguni sa aming gabay: Mga Hakbang tungo sa Positibong Mental Health
Maaari kang makinig sa Pagrerelaks sa Dagat sa pamamagitan ng pag-click sa link sa itaas o sa pag-download dito