Bullying (Pang-aapi) at Harassment (Panggigipit)
Ang pang-aapi at panggigipit ay lubhang nakakabahala para sa sinumang biktima nito. Batid namin sa SeafarerHelp na higit na mas malubha para sa mga seafarer ang mga epekto ng ganitong uri ng pang-aabuso dahil ang lugar kung saan sila nagtatrabaho ay siya rin nilang tirahan. Ang mahabang panahon at distansya ng mga seafarer mula sa kanilang mga pamilya at kaibigan ay maaaring magdulot ng pakiramdam ng pagkabukod o isolation, na maaari pang palubhain ng mga insidente o karanasan ng pambu-bully o pangha-harass. Ang hindi agarang paglutas sa problemang ito ay maaaring makapagdulot ng masamang epekto sa mental at pisikal na kalusugan ng isang seafarer.
Mahalagang magkaroon ng malinaw na patakaran ang bawat employer para matugunan ang mga kaso ng bullying at harassment. Kailangang maging palagay ang loob ng bawat seafarer upang maiparating niya ang mga insidente ng pang-aabuso alinsunod sa mga patakaran ng kaniyang employer. Maaaring i-download dito ang gabay tungkol sa paksang ito.
Maraming dahilan kung bakit tumatawag sa SeafarerHelp ang mga seafarer na nakakaranas ng pang-aapi at panggigipit. Handa kaming makinig sa mga seafarer kung nais nilang may makausap sa sarili nilang wika tungkol sa nararanasan nila, bago pa man o habang nasa proseso na sila ng paghahain ng reklamo. May pagkakataon din kung saan tumatawag ang mga seafarer sa amin dahil para sa kanila, hindi naging epektibo o hindi nabigyan ng sapat na atensyon ng kanilang kumpanya ang kanilang reklamo. Sa mga pagkakataong ito, sinisikap ng SeafarerHelp na maghanap ng alternatibo at kompidensiyal na paraan upang makatulong.
Kung ikaw o ang iyong kapamilya ay nakakaranas ng anumang uri ng pang-aabuso, pang-aapi o panliligalig habang nagtatrabaho sa barko, nandito ang SeafarerHelp para sa iyo. Maaari kang makipag-ugnayan sa amin sa anumang oras.